MANILA, Philippines - Maagang nag-anunsyo ang Department of Education (DepEd) ang suspensyon ng klase sa lahat ng antas ng basic education sa Metro Manila dulot ng walang tigil na ulan kahapon.
Inihayag ni DepEd-NCR assistant regional director Rizalino Rosales ang suspensyon ng klase sa pre-school, elementary, at high school levels bago pa mag-alas-5 ng umaga kahapon upang hindi na agad makapasok ang mga mag-aaral at maipit sa ulan at baha.
Ibinase ng DepEd ang suspensyon base sa forecast ng PAGASA na magtutuluy-tuloy ang pagbuhos ng ulan sa buong araw na lumikha ng matinding pagbabaha sa maraming lugar sa Metro Manila. Bukod sa Metro Manila, sinuspinde rin ang klase sa mga bayan ng Rodriguez, Rizal; Rosario, Cavite; Calamba City; ilang paaralan sa Cainta, Rizal; Pampanga at Bulacan.
Samantala, tinuligsa naman sa social network site na Twitter ng mga mag-aaral sa kolehiyo ang Commission on Higher Education (CHED) sa kawalang-aksyon sa isyu ng suspensyon ng klase kung saan ang Malacañang pa ang naghayag nito dakong tanghali kahapon kung saan marami na sa mga estudyante ang nakalabas ng kanilang bahay at nakapasok sa mga unibersidad at kolehiyo.
Binabatikos ng mga estudyante sa kanilang mga “tweets” ang CHED dahil sa pagkabigo nito na lumikha ng sarili nilang account sa mga social networking sites para makipagkomunikasyon sa mga estudyante sa kolehiyo na mayorya ng mga Filipino na gumagamit nito.
“CHED Wake Up! Wake Up!” Ito ang ilan sa “tweets” ng mga estudyante na naghihintay ng pahayag mula sa mga opisyal ng ahensya.
Dakong alas-12 na ng tanghali nang maglabas ng anunsyo ang Malacañang sa pamamagitan ni Executive Secretary Pacquito Ochoa Jr. na wala nang pasok sa mga kolehiyo at unibersidad sa Metro Manila kung saan nakaalis na ang mga mag-aaral na may iskedyul ng klase ng umaga at naipit sa matinding pagbabaha. Sinuspinde na rin ang trabaho sa gobyerno.