Nahuhuling smokers, lumolobo
MANILA, Philippines - Sa kabila ng matinding kampanya at inilaang parusa sa mga naninigarilyo sa mga pampublikong lugar lalo pang lomobo ang bilang ng mga indibidwal na nadakip ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA).
Sa pinakahuling rekord ng MMDA (sa buwan ng Hulyo), nabatid na umabot na sa 3,762 mula sa mahigit dalawang libo noong nakaraang linggo ang mga nahuling naninigarilyo sa mga pampublikong lugar sa Metro Manila.
Giit ni MMDA chairman Francis Tolentino, sa kabila ng inihaing petisyon sa korte para pigilan ang kanilang kampanya, lalo pa nilang pinag-iibayong ipatupad ang kampanya.
Ipinaliwanag ni Tolentino, na walang paglabag sa batas ang kanilang ipinatutupad na kampanya dahil ito’y naaayon sa Republic Act 9211.
Bukod dito, malinaw umano ang pag-deputized sa MMDA ng LTRFB at Department of Health (DOH) bukod pa sa pag-apruba ng 17 alkalde sa Metro Manila sa memorandum circular na nag-aatas sa MMDA para ipatupad ang kampanya.
Matatandaang nakapaloob sa petisyong inihain sa Mandaluyong Metropolitan Trial Court (MTC) branch 213, na wala aniyang kapangyarihan ang MMDA para manghuli at magpataw ng multa sa mga mahuhuling lalabag sa anti smoking campaign.
Inihain ang petisyon nina Antony Clemente at Vrianne Lamson na kabilang sa mga nahuli ng MMDA Environment Protection Enforcers sa Cubao, Quezon City noong Hulyo 13.
- Latest
- Trending