MANILA, Philippines - Isa na namang bagitong pulis ang nahaharap ngayon sa kasong kriminal makaraang barilin sa ulo ang isang matansero sa loob ng isang videoke bar kahapon ng tanghali sa Pasay City.
Lasing na lasing at hindi makausap ng matino ang suspek na si PO1 Bernardino Meneses, nakatalaga sa Mobile Patrol ng Pasay police nang dalhin sa headquarters ng Pasay City Police matapos niyang barilin sa ulo ang biktimang si Cecilio Datun, 30.
Sa ulat ng Pasay police, naganap ang pamamaril sa loob ng DNS Videoke Bar sa Lara St., Pasay dakong alas-12:30 ng tanghali.
Nabatid na umiinom sa naturang videoke bar ang biktima kasama ang kaibigang si Jobel Nillo, 38, habang solo namang umiinom sa katabing mesa ang pulis na lumilikha ng matinding ingay dahil sa pagkalasing.
Bitbit ang isang bote ng alak, nilapitan umano ni Datun ang pulis na nakasibilyan upang pagsabihan sa ingay nito.
Dito umano binaril nang malapitan sa ulo ng suspek si Datun na naging dahilan ng agaran nitong kamatayan.
Agad namang nadakip ng mga rumespondeng pulis si Meneses.
Sinabi nito kay Labrador na ipinagtanggol umano niya ang sarili dahil sa papaluin umano siya ng bote ni Datun kaya niya nabaril ito.
Sa kabila nito, sinampahan pa rin ng pulisya ng kasong murder si Meneses sa piskalya dagdag pa ang kasong illegal possession of firearms dahil sa wala itong maipakitang dokumento sa ginamit nitong .9mm na baril.