Trader na naman, patay sa riding-in-tandem

MANILA, Philippines - Sa kabila ng umano’y pag­hihigpit sa seguridad dahil sa nalalapit na SONA ni P-Noy, nakalusot pa rin ang mga kilabot na hitman na riding in tandem makaraang pagbabarilin at mapatay ang isa na namang negosyante, kamakalawa ng hapon sa Pasay City.

Agad na nasawi dahil sa tama ng bala ng kalibre .45 sa ulo ang biktimang nakilalang si Jaypee Namasan, 36, may negosyong buy and sell, at naninirahan sa Juan Luna St. ng naturang lungsod.

Sa ulat ng Pasay Police, naganap ang pamamaslang dakong alas-4 ng hapon sa may Espiritu St., Cabrera ng naturang lungsod. Nakasakay ang biktima sa kanyang motorsiklong Yamaha (2046-UF) nang tumabi ang isa ring motorsiklo lulan ang dalawang salarin.

Hindi na nakailag pa ang walang suot na helmet na biktima nang agad na barilin ito nang malapitan sa ulo ng mga salarin na mabilis tumakas sa hindi mabatid na direksyon ta­ngay ang cellphone ng biktima.Blangko naman ang pulisya sa motibo ng naturang krimen.

Nabatid na may negosyo ang biktima ng “buy and sell” ng cellular phone na maaaring may kaugnayan ng pamamaslang sa kanya. 

Show comments