MANILA, Philippines - Pinangunahan kahapon ni Quezon City Vice Mayor Joy Belmonte, chairman ng QC Anti-Drug Abuse Advisory Council (QCADAAC) ang kauna-unahang QC School Summit on Drug Abuse Prevention Education na naglalayong maibsan kundi man tuluyang maglaho ang paggamit ng bawal na gamot ng mga kabataang mag-aaral dito.
Sa naturang okasyon, isa-isang nagkapit-bisig ang mga opisyal kasama ang lahat ng school administrators, guidance counselors at security officers ng lahat ng public at private schools sa lungsod para maipagpatuloy ang kampanya laban sa mga mag-aaral na gumagamit ng bawal na gamot.
Binigyang-diin ni Belmonte ang pangangailangan sa pagpapatupad ng matitinding preventive education programs sa mga paaralan sa lungsod upang agad na masolusyunan ang illegal drug problem sa mga paaralan para sa interes at kapakanan ng mga kabataan at sa susunod na henerasyon.
Ayon sa QCADAAC, ang profile ng drug users sa QC batay sa naiulat na kaso mula taong 2002 hanggang 2010 ay mula 12-anyos hanggang 17-anyos.
Sa mahigit 5,000 drug cases na naiulat sa council sa naturang period, mahigit sa 2,000 ay mula sa District II, ang lugar na may maraming mahihirap sa lungsod.