MANILA, Philippines - Dalawa pang billboard ng mga aktres na sina Angel Locsin at Ann Curtis at Azkal player Phil Younghusband ang binaklas ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) dahil sa kawalan umano ng permit kahapon sa Mandaluyong City.
Sinabi ni MMDA Chairman Francis Tolentino na bahagi pa rin ito ng kanilang kampanya sa paglansag sa mga iligal na billboards sa Metro Manila.
Natuklasan umano na walang kaukulang permits ang may-ari ng naturang billboards at lumabag sa National Building Code.
Tampok sa isa sa billboards si Angel Locsin na naka-swimsuit at Younghusband na walang saplot pang-itaas na nag-eendorso ng isang produktong tuna habang si Anne Curtis na nag-eendorso naman ng isang hygiene soap ay nakasuot ng nightgown.
Sinabi ni Candy de Jesus, public information officer ng MMDA, na inaasahan pang ilang billboards pa ang babaklasin sa may EDSA-Trinoma sa Quezon City at sa EDSA-Pasay City dahil sa paglabag rin sa National Building Code.
Ito’y makaraang bumuo ng espesyal na komite na sasala umano sa mga nilalaman ng mga billboards, humihingi naman ng suporta ang MMDA sa mga mambabatas para sa paglikha ng batas para maayos na ma-regulate ang mga nilalaman ng mga billboards sa buong bansa.