'Pulis dapat rumesponde' - Lim
MANILA, Philippines - Kahit hindi sakop, dapat na respondehan ng mga pulis ang isang emergency case sa Maynila.
Ito naman ang binigyan-diin ni Manila Mayor Alfredo S. Lim matapos siyang makatanggap ng reklamo na tumatanggi ang mga pulis na rumesponde kung hindi nila nasasakupan ang isang insidente.
Ayon kay Lim, dapat na respondehan ng pulis ang sinumang nagrereklamo sakop man niya ito o hindi.
Giit ni Lim, ang sinumang nangangailangan ng police assistance ay dapat na ayudahan ng sinumang pulis kung saan matapos na maimbestigahan ay saka na lamang ite-turn-over sa nakakasakop na police station.
Gayunman, pinayuhan din ni Lim ang mga residente na tumawag sa mobile unit na pinamumunuan ni Chief Insp. Edgardo Reyes, na maagap sa pagresponde. “Halimbawa ay gumagawa ng kaguluhan at nalalagay sa peligro ang buhay ng mga inosente, dapat ay respondehan na ito kaagad habang may nagko-coordinate sa istasyong nakakasakop at kapag nahuli na ang may sala, ite-turn-over naman ito dun sa istasyong nakasasakop,” ani Lim.
Agad ding nilinaw ni Lim na ito ay para lamang sa mga emergency cases kung saan nasa bingit na ng kamatayan ang isang tao.
- Latest
- Trending