MANILA, Philippines - Isang 53-anyos na optical technician ang napatay sa holdap ng isang naka-motorsiklong holdaper, sa Sta. Mesa, Maynila, kahapon ng umaga.
Ilang oras matapos maisugod sa UERM Hospital ay binawian ng buhay ang biktimang kinilalang si Agolino Baretto Itable, technician sa isang optical shop sa Quiapo, Maynila at residente ng #3 Anonas West Extension, NDC Compound, Sta. Mesa, Maynila.
Natangay ang gintong kwintas, singsing at bracelet ng biktima na nagkakahalaga umano ng kabuuang P105,000 ng suspect na inilarawang may taas na 5’2’’ hanggang 5’3’’, katamtaman ang laki ng katawan, nakasuot ng brown na t-shirt, itim na bull cap at maong na pantalon.
Sa ulat ni SPO2 David Tuazon, ng Manila Police District-Homicide Section, hinoldap ang biktima dakong alas-6:30 ng umaga sa Altura Ext. sa Sta. Mesa, Maynila.
Nabatid na sakay din ng motorsiklo (Yamaha) na kulay itim (7399 TD) ang biktima nang umalis sa kanyang bahay upang pumasok sa trabaho nang harangin ng suspect na nagmamaneho ng di-naplakahang motorsiklo at sapilitang pinahubad ang mga alahas sa biktima.
Ayon sa pulisya, posibleng nanlaban ang biktima kaya ito binaril ng suspect upang hindi na siya mahabol o maireport sa awtoridad.
Dakong alas-12:08 ng tanghali kahapon nang ideklarang patay na ang biktima dahil sa tinamong bala sa katawan. Narekober sa pinangyarihan ang basyong bala at motorsiklo ng biktima.