MANILA, Philippines - Plano ng pamahalaan lungsod ng Quezon na buksan ang pintuan ng Tahanan Shelter dito para sa ibang nangangailangan, maging sila man ay hindi taga-lungsod.
Sa isang press conference, sinabi ni QC Vice Mayor Joy Belmonte, dahil maluwag pa ang naturang center, pinag-aaralan ng kanyang tanggapan na tanggapin ang mga nalulong sa ipinagbabawal na gamot mula sa ibang lokal na pamahalaan upang makalikom ng pondo mula rito.
Si Vice Mayor Belmonte ang chairman ng QC Drug Abuse Council na namamahala sa naturang center.
Ang anumang pondo anya na malilikom sa inaasahang pagtanggap ng center para sa ibang drug dependent galing sa ibang lokalidad ay magagamit na pandagdag sa pagpapahusay pa ng serbisyo ng city government sa mga indibidwal na inaalagaan dito.
Kung maipatutupad, mababa anya ang halaga na maaaring gastusin ng isang nagpapagamot galing sa ibang lokalidad kaysa sa mga private drug rehabilitation center. Sa ngayon ay may mahigit 60 adik na pawang taga-QC ang inaalagaan ng naturang council.