MANILA, Philippines - Nailigtas ng mga alertong kagawad ng Malabon City Police ang isang 4-anyos na batang lalaki makaraang gawing hostage ng isang lalaki na hinihinalang lulong sa iligal na droga o may sira sa isip, kamakalawa ng hapon sa naturang lungsod.
Nasa maayos na kundisyon na ang batang si John Benedict Angeles, ng Jose Rizal St. Brgy. Tugatog habang nakaditine na sa Malabon police ang suspect na si Wilmar Norcio, driver, 42, at naninirahan sa Kalayaan Avenue, Diliman, Quezon City.
Sa ulat ng Malabon police, nagtungo sa Tugatog Barangay Hall si Norcio dakong alas-3 ng hapon. Balisang-balisa umano ito na humingi ng saklolo kay Brgy. Chairman Sheridan Abad na may mga humahabol umano sa kanya at nais siyang patayin.
Dahil sa kasong pampulis ang iniulat nito, pinasamahan ni Abad si Norcio sa kanyang mga tanod sa himpilan ng Malabon police upang doon ito mag-ulat. Habang sakay ng Barangay Patrol vehicle, biglang lumundag ang suspect sa tapat ng isang barberya, kumuha ng gunting at hinablot ang paslit na si Angeles na nasa gilid ng kalsada at tinutukan ng gunting sa leeg.
Agad namang humingi ng saklolo ang mga tanod sa pulisya kung saan mabilis na rumesponde ang mga alagad ng batas sa pangunguna ni Chief Insp. Monchito Lusterio. Nakipagnegosasyon naman ang mga pulis sa suspect ngunit nagmatigas si Norcio at naghanap pa ng reporter na masasabihan umano ng kanyang problema.
Sumunod naman ang pulis sa gusto ng suspect kapalit ng pagpapalaya sa bata. Subalit nang hindi pa rin inaalis ng suspect ang gunting sa leeg ng bata, kumuha na ng tiyempo ang mga pulis at agad na dinakma ang kamay ng suspect at agad nailayo ang bata sa kapahamakan.
Inaalam na ngayon ng pulisya kung sadyang may sira sa pag-iisip ang salarin o kung nasa matinding impluwensya ito ng iligal na droga dahil sa dayo lamang ito sa Malabon City.