MANILA, Philippines - Dalawang holdaper ang nasawi makaraang makipag-palitan ng putok sa mga awtoridad ilang minuto matapos na holdapin ang isang burger store sa lungsod Quezon kahapon ng umaga.
Ayon kay Supt. Marcelino Pedroso, hepe ng Police Station 4 ng QCPD, ang mga nasawing suspect ay pinaniniwalaang miyembro umano ng “Bahala na Gang” bunga ng nakitang tattoo sa kanilang katawan.
Dahil kapwa walang pagkakakilanlan, isinalarawan ang isa sa mga suspect sa pagitan ng edad 25-30, may taas na 5’3-5’5, nakasuot ng puting t-shirt; at short pants na maong; habang ang isa naman ay nasa edad na 22-25, may taas na 5’1, payat, may tattoo na Vilma sa kanang kamay, nakasuot ng puting-t-shirt at maong na shorts pants. Nakatakas naman ang isa sa mga suspect sakay ng motorsiklo na gamit nila bilang get away vehicle.
Sinasabing nasawi ang mga suspect makaraang makipag-engwentro sa mga rumespondeng pulis mula sa PS4, matapos na humingi ng tulong ang crew ng burger machine na si Iryne Ratilla na kanilang hinoldap at natangayan ng P250.00 na kita.
Sa inisyal na pagsisiyasat nangyari ang insidente sa may Quirino Highway, Novaliches ganap na alas- 4:50 ng madaling-araw.
Bago ito, nagbabantay umano si Ratilla sa burger machine nang dumating ang mga suspect at nagkunwaring kostumer kung saan umorder pa umano ang mga ito ng dalawang hamburger.
Sinasabing habang niluluto ni Ratilla ang inorder ng mga suspect, isa sa mga huli ang nakiusap pa sa una na ilapag ang kanilang dalang bag. Pero pagkalapag ng bag ay biglang nagbunot ng baril ang mga suspect sabay tutok sa una at deklara ng holdap.
Dito ay pilit na kinuha ng mga suspect kay Ratilla ang pera at nang makuha ang kanilang pakay ay saka sumakay sa isang motorsiklo at nagsipagtakas.
Agad namang humingi ng saklolo si Ratilla sa mga barangay tanod at hinabol ang mga suspect hanggang sa matiyempuhan nila ang nagpapatrulyang mobile patrol car at humingi dito ng ayuda.
Sa puntong ito, nagkaroon ng habulan kung saan pagsapit sa may harap ng isang paaralan sa Quirino highway ay nagpaputok umano ng baril ang mga suspect hanggang sa gumanti ng putok ang mga awtoridad na ikinasawi ng dalawa sa mga ito.
Narekober sa mga suspect ang tatlong piraso ng kalibre 38 baril at mga basyo ng bala sa pinangyarihan ng insidente.