Coed sinaksak ng pinsan, patay

MANILA, Philippines - Isang 20-anyos na da­laga ang nasawi makaraang pagtatagain ng kanyang sa­riling pinsan na nagalit matapos na hindi pautangin ng tatay ng una sa lungsod Quezon kaha­pon ng umaga.

Ayon kay PO2 Rey Bural ng Police Station 3 ng QCPD, nakilala ang nasawing biktima na si Joan Pelonia, 4th year college sa Letran at residente ng Herrera St., Imelda Subdivision, Brgy. Bahay Toro sa lungsod.

Ayon pa kay Bural, mabilis namang tumakas ang suspect na nakilala sa pa­nga­lang Rodolfo Escala, uma­­no’y pinsan ng biktima tangay ang MSI laptop (P16,000) ng huli.

Sa inisyal na pagsisiyasat, nangyari ang insi­dente sa loob mismo ng bahay ng biktima ganap na alas- 6:25 ng umaga.

Bago ito, nagpunta umano ang suspect sa bahay ng biktima at hinanap ang tatay ng huli para ma­nguntang ng pera.

Pero nang hindi pagbigyan sa kanyang hini­hingi ay nagalit umano ang suspect at pinagbuntunan ng galit ang pinsan saka dumampot ng gulok at pi­nagtataga ito.

Pero bago tuluyang tumakas ay tinangay ng suspect ang laptop ng nasawi.

Ayon sa mga residente, narinig na lamang umano nilang humihingi ng saklolo ang biktima at nang kanilang tingnan ay nakita nila ang suspect na palayo sa lugar habang duguang nakahandusay naman sa lapag ang una.

Patuloy ang pagsisiyasat ng pulisya sa nasabing insidente habang sinisimulang tugisin ang naturang suspect.

Show comments