MANILA, Philippines - Mga baguhang grupo ng carjackers ang nasa likod umano ng panibagong carjacking incident na naganap sa lungsod Quezon kung saan ang naging huling biktima ay si Maria Teresita Teano.
Ayon kay Chief Insp. Rodel Marcelo, hepe ng Quezon City Police District-Criminal Investigation and Detection Unit (QCPD-CIDU), ang klase ng operasyon na ginawa sa biktimang si Teano ay hindi gawain umano ng mga propesyunal dahil may kaakibat ito ng pagpatay na hindi ginagawa ng tunay na grupo.
“Makikita naman natin ung reaksyon sa nangyari sa biktimang si Teano, binaril na nila, sinagasaan pa na parang natataranta at nagmamadali, ang mga propesyunal ay smooth kung tumira, hindi ganito, “ sabi ni Marcelo, bilang dating naging hepe ng Anti-carnapping unit ng QCPD.
Bukod dito, sa pagmamadali ay nailaglag pa ang holster ng baril ng mga suspect na indikasyon na walang kasiguruhan ang kanilang lakad o hindi planado.
Iginiit ni Marcelo, maaring may bagong grupo na namang nabuo para sa ganitong uri ng operasyon.
Maaalalang si Teano, ay binaril at napatay matapos na manlaban ito sa kanyang mga carjackers sa may T. Gener St., corner Kamuning Road, Brgy. Kamuning sa lungsod ganap na alas-6 kamakalawa ng umaga.