MANILA, Philippines - Natimbog ng mga operatiba ng Bureau of Immigration ang mag-asawang Indian nationals na hinihinalang miyembro ng isang sindikato sa iligal na pagpasok sa bansa ng kanilang mga kababayan.
Kinilala ni Immigration Commissioner Ricardo David Jr. ang mga nadakip na sina Lakhvir Singh at Shinder Pal Kaur na natunton sa kanilang bahay sa lungsod ng Antipolo kamakailan ng BI intelligence division.
Nag-isyu ng mission order si David matapos makakuha ng impormasyon na nakapasok ng Pilipinas ang isa sa mga suspect gamit ang pekeng entry visa.
Samantala, tinukoy naman ni BI Intelligence Chief Maria Antonette Mangrobang na si Lakhvir Singh ay pinaghihinalaang kasabwat ng isang Indian human smuggler na wanted sa kasong pagpatay sa Pilipinas na nakapuslit palabas ng bansa upang takasan ang krimen.