Koreano timbog sa 'wang-wang'

MANILA, Philippines - Isang South Korean national na mistulang nagsisiga-sigaan sa dinayo niyang bansa ang inaresto ng mga tauhan ng PNP Highway Patrol Group makaraang mapansin mismo ni DILG Secretary Jesse Robredo ang paggamit nito ng “wang-wang” para makalusot sa trapiko, kamakalawa ng hapon sa Mandaluyong City.

Nahaharap ngayon sa kasong paglabag sa Presidential Decree­ 96 (illegal use of sirens and blinkers) ang suspek na si Oh Hoon Kwon, pansamantalang naninirahan sa Phoenix Heights Condominium, Brgy. Bagong Ilog, Pasig City.

Nabatid na personal na nasaksihan ni Robredo ang walang galang na paggamit ng “wang-wang” ng isang itim na Starex van (PID-916) habang bumibiyahe ito sa masikip na EDSA-Mandaluyong. Agad na ipinagbigay-alam ni Robredo kay PNP-HPG head, Chief Insp. Leonardo Espina ang naturang numero ng plaka ng sasakyan at inatasan ito na habulin ang driver.

Natagpuan naman ng mga operatiba ng HPG sa pama­magitan ng records ng naturang sasakyan na pag-aari ito ni Kwon. Dito tinungo ng mga pulis ang tinitirhang condominium ng suspek kung saan boluntaryo namang isinuko nito ang kanyang behikulo at ang sirena saka tinikitan ng paglabag sa batas-trapiko.   

Show comments