Totoy na inakusahang magnanakaw, dinukot, inihagis sa dagat
MANILA, Philippines - Himalang nakaligtas sa kamatayan ang isang binatilyo matapos itong dukutin at ihagis sa dagat ng tatlong kalalakihan makaraang pagbintangang nagnakaw sa Navotas City, kamakalawa.
Ang biktima na bagama’t nagkaroon ng mga pasa at bukol sa katawan ay nasa ligtas namang kalagayan ay nakilalang si Alexander Rala, 14, residente ng Pama-Sawata, Dagat-dagatan, Caloocan City.
Nakakulong naman sa Navotas City Police ang mga suspek na sina Orlando Calextro, 21; Angelo Bonifacio, 23; at Leandro Dizon, 34, pawang mga residente ng Brgy. Bagumbayan North, Navotas City.
Sa report na nakarating kahapon sa Station Investigation Division (SID) ng Navotas City Police, dakong alas-3:35 ng hapon nang bigla na lamang dukutin ng mga suspek ang biktima habang nagpapalipad ito ng saranggola sa tulay sa C-3 Road ng nabanggit na siyudad.
Agad na isinakay ng mga suspek ang biktima sa isang closed van at dinala sa bus terminal na matatagpuan sa C-4 Road at agad na inihagis sa dagat na nasasakupan ng Navotas.
Matapos ito ay mabilis na nagsialis ang mga suspek na parang walang nangyari habang ang biktima naman ay pinilit na makalangoy hanggang sa makarating sa pampang.
Agad na umuwi ang biktima at nagsumbong sa kanyang mga magulang kaya’t mabilis na nagtungo ang mga ito sa himpilan ng pulisya upang ipaalam ang pangyayari at sa follow-up operation ay naaresto ang mga suspek sa bahay ng mga ito.
Sa naging salaysay pa ng biktima sa mga awtoridad, habang sakay sila sa van na gamit ng mga suspek ay pilit umano itong pinaaamin ng tatlo na siya ang nagnakaw sa bagahe ng mga ito at nang tumanggi ang binatilyo ay agad itong inihagis sa dagat.
- Latest
- Trending