MANILA, Philippines - Sumalakay ang isang pinaniniwalaang grupo ng highway robbery-hold-up syndicate na kinabibilangan ng anim na armadong kalalakihan matapos nilang holdapin ang isang bus sa Makati City kahapon ng umaga.
Nagsasagawa pa ng follow-up operation ang mga kagawad ng Makati City Police laban sa anim na hindi pa nakikilalang suspek, na pawang armado ng matataas na kalibre ng baril.
Sa sketchy report na natanggap ni Chief Inspector Jenny Tecson, PIO chief ng Southern Police District (SPD), naganap ang insidente dakong alas-3 ng umaga sa kahabaan ng EDSA Avenue, Estrella sa nabanggit na siyudad habang binabagtas ng Don Mariano Transit (UVF-600) ang naturang lugar nang biglang harangin ng isang van na kulay dark blue na rito sakay ang mga suspek.
Tinutukan ng mga suspek ang driver, konduktor at mga pasahero sabay na nagdeklara ng holdap.
Nilimas ng mga suspek ang mga pera, cellphone, mga alahas at mahahalagang gamit ng mga biktima at inaalam pa kung magkanong kabuuang halaga ang nakulimbat ng mga suspek.
Matapos ito ay mabilis na nagsitakas ang mga suspek na sakay ng naturang van na hindi nakuha ang plaka nito.