Clearing operations vs sidewalk vendors, ikinasa
MANILA, Philippines - Sinimulan na ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ang kanilang “clearing operations” sa mga bangketa upang linisin ang mga lansangan sa mga illegal vendors na pansamantalang binigyan ng pagkakataon na magtinda ng school supplies at iba pang gamit bago magpasukan.
Sinabi ni MMDA Chairman Francis Tolentino na ang layon nila ay mapaluwag ang mga kalsada at mapabilis ang biyahe sa Kalakhang Maynila lalo ngayong dagsa na muli ang milyun-milyong estudyante na nagbabalik sa mga paaralan.
Makakatuwang ng Sidewalk Clearing Operations Group (SCOG) ang mga tauhan ng mga lokal na pamahalaan na nagbigay ng permiso sa mga vendors na okupahin ang mga bangketa para magkaroon ng pagkakataon na makapagtinda at makabili naman ang mga magulang ng murang mga school supplies.
Partikular na pagtutuunan ng pansin ng MMDA ang Commonwealth Avenue sa Quezon City at ang C.M. Recto sa Divisoria, Manila kung saan inokupa na ang mismong lansangan ng mga vendors mula Jose Abad Santos hanggang Juan Luna St.
- Latest
- Trending