Manila, Philippines - Kapwa patay ang dalawang holdaper makaraang makipagpalitan ng putok ng baril sa mga tauhan ng Manila Police District (MPD) matapos ang umano’y panghoholdap ng mga ito sa isang babae sa Sampaloc, Maynila, kahapon ng madaling-araw.
Inilarawan ang isa sa mga nasawi na nasa edad 35 hanggang 40, may taas na 5’10’’, tadtad ng tattoo ang katawan, nakasuot ng bonnet at itim na long sleeve at itim na pantalon habang ang isa ay nasa pagitan ng 30 hanggang 35 anyos, at tadtad din ng tattoo nakasuot ng kulay pulang t-shirt at grey na pantalon at armado ng kalibre .38 baril.
Nabatid sa paunang imbestigasyon na dakong ala-1:00 ng madaling araw nang maganap ang habulan sa panulukan ng Manga at Benito Sts. at pagsapit sa Altura St., sa Sampaloc ay doon na ito kapwa bumulagta.
Napag-alaman na nagpapatrulya ang mga tauhan ng MPD-station 4, Mobile Unit nang mapansin ang komosyon at narinig ang paghingi ng saklolo ng biktimang si Christine Camaclang, 36, ng Anabu I, Imus, Cavite sa madilim na bahagi ng kalye.
Nakita ng mga pulis ang Yamaha motorcycle (PD-1530) sakay ang 2 lalaki na mabilis na umarangkada papalayo.
Nang mapansin ng mga suspect na hinahabol sila, nagpaputok umano ang angkas habang patuloy sa pagpapatakbo ang isa kaya ginantihan ng mga pulis na ikinabulagta nilang dalawa.
Narekober ang bag ni Camaclang na naglalaman ng cash na P830.00 at Nokia 1600 na nagkakahalaga ng P2,000.00 at iba pang gamit at baril ng suspect.
Inilagak na sa St. Harold Funeral Homes ang dalawang bangkay.