MANILA, Philippines - Isang Malaysian national na pinaniniwalaang finance officer ng international terrorist group na Al Qaeda ang natimbog ng intelligence operatives ng Philippine Navy at Bureau of Immigration habang ikinakasal sa isang Pinay sa Davao del Sur noong nakalipas na linggo.
Ayon sa ulat kay BI Commissioner Ricardo David Jr., walang maipakitang travel documents ang naarestong si Abdul Aziz Usman, may alyas na Aziz Bin Othman, 50, nang maaresto kamakailan sa Brgy. Inawayan, Sta. Cruz, Davao del Sur ng pinagsanib na puwersa ng BI Mindanao intelligence unit at Navy intelligence command ng Region 11, bago pa magsimula ang seremonya ng kasal.
Kasama ring inaresto ang alalay na si Omar Abu, na pinaniniwalaan ding Malaysian national, na hindi umano makapagsalita ng Tagalog o anumang lokal na dialect.
Ayon sa BI, ilang buwang isinailalim sa surveillance si Usman sa kanyang aktibidad.
Bukod sa hinihinala itong terorista, inirereklamo rin si Usman sa pagkakasangkot sa trafficking ng mga Pinay Muslim patungong Malaysia na nasasadlak sa prostitusyon at white slavery.
Ayon kay Atty. Maria Antonette Mangrobang, BI acting intelligence chief, si Usman ay nag-aral ng accounting at finance sa University of Tennessee, USA mula 1996 hanggang 1999.
Umamin umano si Usman na pabalik-balik na siya sa Pilipinas sa pamamagitan ng pagdaan sa South backdoor partikular sa Jolo, Sulu mula Sabah, Malaysia.
Una nang ibinunyag ng Philippine Navy na may 5 dayuhan na konektado kay Bin Laden ang nagtatago sa Mindanao, na pinangungunahan ng US-trained engineer na sina Zulkifli Bin Hir, alyas “Marwan”, isang Malaysian na napaulat na responsable sa pagti-training ng Abu Sayyaf sa paggawa ng bomba.
Hinahanting din umano ang isang Mauwiyah, isang Singaporean; 2 Indonesians na sina Saad at Qayyim; at Malaysian na si Amin Baco.