MANILA, Philippines - Patay ang isang manggagawa habang sugatan naman ang dalawa nitong kasamahan matapos na matabunan ng gumuhong lupa sa ginagawang tunnel sa Pasig City kahapon ng umaga.
Ang biktima na wala ng buhay noong mahukay ng mga rescuer at mga kasamahan sa trabaho ay nakilalang si Anthony Ignacio, 32, residente ng Barangay San Jose, Bulacan.
Sugatan naman isinugod at ginagamot ngayon sa Amang Rodriguez, Memorial Medical Center sina Nelson Bilante, 26 at Augustine Del Roya, 41, ng Villa San Isidro, Caluag, Quezon.
Sa imbestigasyon ng Pasig City Police, nabatid na ang insidente ay naganap dakong alas-4:45 ng umaga sa ginagawang under ground construction at drainage system sa kanto ng Marcos Highway, Barangay Dela Paz, Pasig City.
Ayon sa report, bigla na lamang umanong gumuho at tumabon ang lupang nahukay ng mga biktima habang nasa loob ang mga ito ng tunnel.