Manila, Philippines - Aabot sa 300,000 pasahero ang sinasabing maaapektuhan sa tatlong araw na pagsasara ng anim na istasyon ng LRT Line 1 simula ngayong araw na ito ng Sabado hanggang sa Lunes.
Ayon kay Atty. Hernado Cabrera, tagapagsalita ng Light Rail Transit Authority (LRTA), humihingi sila ng paumanhin sa mga commuters na hindi nila maseserbisyuhan sa loob ng tatlong araw.
Tinukoy ni Cabrera ang anim na LRT Station na isasara sa publiko ay Roosevelt Station, Balintawak na pawang sa Quezon City; Monumento, 5th Avenue sa Caloocan City; R. Papa at Abad Santos sa Maynila.
Inamin ni Cabrera na aabot sa 4-milyung piso ang malulugi sa LRT sa loob ng tatlong araw na pansamantalang pagsasara bunsod ng isasagawang pagkonekta ng permanente sa signaling system ng North Extension Project.
Tiniyak naman ni Cabrera na magkakaroon ng episyente at mas ligtas na serbisyo sa sandaling matapos ng kanilang mga ‘maintenance crew’ ang isasagawang pagkukumpuni sa pagitan ng anim na istasyon.
Inihayag pa ni Cabrera, magpapadala sila ng shuttle bus kapag rush hours sa mga apektadong istasyon na siyang maghahatid sa mga pasahero mula sa Abad Santos Station hanggang sa Roosevelt Station sa Quezon City at pabalik.