MANILA, Philippines - Sususpendihin ng Light Rail Transit Authority (LRTA) sa loob ng tatlong araw ang operasyon sa ilang istasyon ng LRT-Line 1, o mula sa Abad Santos Station sa Maynila hanggang sa Roosevelt Station sa Quezon City.
Sa isang advisory ng LRTA, nabatid na mula sa Sabado (Mayo 28) hanggang sa Lunes (Mayo 30) ay magiging limitado muna ang operasyon ng LRT-Line 1 mula sa Baclaran Station hanggang sa Blumentritt Station.
Ayon kay LRTA spokesman Hernando Cabrera, layunin nito na bigyang-daan ang pagkokonekta ng permanente sa signalling system ng North Extension Project sa kasalukuyang LRT Line 1 system upang matiyak ang mas episyente at mas ligtas na rail service.
Ipinaliwanag ni Cabrera na ang signaling system ay ang siyang nagkokontrol ng speed o bilis ng tren at safe distance o ligtas na pagitan ng dalawang tren.
Ito rin umano ang nag-a-activate ng emergency break ng mga tren.
Kabilang sa mga maaapektuhang istasyon ng LRT-Line 1 ay ang Abad Santos, R. Papa, 5th Avenue, Monumento, Balintawak, at Roosevelt stations.
Tiniyak naman ni Rafael Rodriguez, administrator ng LRTA, na pipilitin nilang matapos hanggang sa Linggo ang naturang proyekto upang hindi masyadong maapektuhan ang mga commuters.
Maglalagay din umano sila ng shuttle bus sa rush hours sa mga apektadong istasyon na siyang maghahatid sa mga pasahero mula sa Abad Santos Station hanggang sa Roosevelt Station sa Quezon City at pabalik.