MANILA, Philippines - Sa kabila ng paulit-ulit na paalala ng mga awtoridad na maghinay-hinay sa Commonwealth Avenue ang tinaguriang “killer highway”, meron pa ring matitigas ang ulo at pasaway na mga motorista rito.
Kahapon ng umaga, 10 katao na naman ang iniulat na nasugatan makaraang magsalpukan ang isang pampasaherong jeepney at isang van sa nasabing lugar, ayon sa ulat ng Traffic Sector 5 ng Quezon City Police District.
Ayon kay P/Chief Insp. Maximo Sabio, hepe ng TS-5, tila hindi pa rin natuto ang mga motorista sa kahabaan ng Commonwealth dahil lahat ng klaseng paalala ay ginawa na nila para lang walang madisgrasya pero nangyayari pa rin.
Ayon sa pulisya, ang mga nagsalpukang sasakyan ay ang PUJ (PHG-875) na minamaneho ng isang Daniel Talledo at Mitsubishi L-300 van (UMC-960) na minamaneho ni Benjamin Pacio Jr. Si Talledo ay nagtamo rin ng mga sugat sa katawan.
Naganap ang insidente sa harap ng UP techno hub na matatagpuan sa kahabaan ng Commonwealth Avenue sa lungsod ganap na alas-5:30 ng umaga. Sinasabing galing sa UP patungo sa direksiyon ng Elliptical Road ang van na minamaneho ni Pacio nang mag-u-turn ito pagsapit sa nasabing lugar.
Mula rito ay dumarating naman ang PUJ na minamaneho ni Talledo at sa sobrang bilis ay hindi na ito nakapag-preno at direktang sinalpok ang sasakyan ni Pacio.
Sa lakas ng pagkakasalpok ng PUJ sa van ay nawasak ang van, saka nagpaikut-ikot sa kalsada at kumalas ang gulong nito, na nagresulta ng pagkasugat ng mga sakay nito, gayundin ang sakay ng jeepney.