Manila, Philippines - Nadismis mula sa serbisyo ang 134 tiwaling mga pulis, 50 ang na-demote habang 403 naman ang nasuspinde kaugnay ng paglilinis sa mga tinaguriang ‘bad eggs’ sa Philippine National Police (PNP).
Ito ang iniulat ni P/Director Arturo Cacdac Jr., hepe ng PNP Directorate for Investigative Management (DIDM) alinsunod sa ‘zero backlog’ na iniutos ni PNP Chief Director General Raul Bacalzo para madaliin ang pagresolba sa kasong administratibo laban sa mga pulis.
Sinabi ni Cacdac na ang nasabing bilang ay naitala simula sa unang semestre ng taon. Sa kabila naman ng pagkakaroon ng PNP ng ilang ‘bad eggs’, sinabi ni Cacdac na karamihan sa 135,000 malakas na puwersa ng kapulisan ay may dedikasyon at tapat sa kanilang mga sinumpaang tungkulin.
Samantala, patuloy din ang mahigpit na proseso ng ‘screening’ sa mga nagnanais mag-pulis upang hindi makalusot ang mga scalawags partikular na ang mga abusado.
“Ngayon po nag-shift kami, importante rin po ’yung physical fitness... pero mas importante po ang kanilang mental capacity,” ani Cacdac kung saan ay nagsasagawa ang PNP ng background checking sa mga aplikanteng pulis.
Kaugnay nito, hinimok ng opisyal ang publiko na ireport sa PNP ang mga abusadong pulis upang mabigyan ito ng aksyon ng liderato ng kanilang organisasyon.