Manila, Philippines - Lumolobo ang mga insidente ng street crime tulad ng mga holdapan, cellphone snatching, pandurukot atbp partikular na sa mga university belt sa tuwing magbubukas ang klase sa iba’t-ibang bahagi ng bansa.
Dahil dito, inatasan ni PNP Chief Director General Raul Bacalzo ang mga regional directors para ngayon pa lamang ay ikasa na ang ‘Oplan Balik Eskuwela’ kaugnay ng ipatutupad na seguridad sa pagbubukas ng klase sa susunod na buwan.
Sa tala ng PNP, sinasamantala ng mga elementong kriminal na mambiktima ng mga estudyante lalo na at magtu-tuition na naman ang mga ito.
Sa Metro Manila na lamang ay maraming mga estudyante ang nai-blotter ng pulisya na naging biktima ng mga masasamang elemento.
Samantalang pinayuhan rin ng PNP ang mga estudyante na isagawa ang kaukulang pag-iingat at sundin ang ‘safety tips’ ng mga awtoridad para makaiwas na mabiktima ng mga elementong kriminal.