Manila, Philippines - Hinirang na bilang bagong director ng Quezon City Police District si Chief Superindent George Regis kahapon matapos ang ilang buwang paghihintay simula nang lumutang ang pangalan nitong bilang hahalili kay Chief Supt. Benjardi Mantele.
Sa turn-over ceremony kahapon na sinaksihan at pinangunahan ni Chief Supt. Allan Purisima, NCRPO director at mga opisyales at miyembro ng QCPD, personal na ipinagkaloob kay Regis ang ceremonial flag bilang bagong director ng naturang distrito.
Sa kanyang talumpati, nangako ang bagong director na bibigyan niya ng bagong mukha ang hanay ng pulisya sa lungsod, dagdag pa ang mahusay na pamamalakad na ipapatupad sa bawat miyembro nito lalo na ang peace and order situation.
Samantala, si dating district director Chief Superintendent Benjardi Mantele ay itinalaga naman sa ibang posisyon sa Mindanao bilang deputy director for administration habang si Senior Superintendent Arrazad Subong naman ay pumosisyon bilang officer-in-charge ng QCPD noong April 8.
Nabatid na si Regis ay bumalik sa QCPD, kung saan itinalaga siya sa ilang posisyon mula 1990 hanggang 2000. Siya ay miyembro ng Philippine Military Academy Class 1980.