MANILA, Philippines - Matapos ang dalawang sunod na insidente ng nakawan ng sanggol sa mga pampublikong ospital sa Maynila, hiniling ng ilang mga opisyal ang pagsibak sa hepe nito gayundin sa mga miyembro na nakatalaga sa Ospital ng Maynila at Ospital ng Sampaloc.
Ayon sa ilang opisyal ng Manila City Hall, ang magkasunod na insidente ay indikasyon ng kapabayaan umano ng hepe nito na si Major Nicolas Amparo at mga CSF personnel na nakatalaga sa naturang mga ospital.
Sinabi ng isang opisyal na ayaw magpabanggit ng pangalan na tila hindi namomonitor ni Amparo ang trabaho ng kanyang mga tauhan partikular na sa mga lugar na kailangan ang mahigpit na pag babantay.
Masyado umanong maluwag ang mga tauhan ng CSF na nagresulta ng insidente ng pagnanakaw ng sanggol noong Marso 23 sa OSAM at sa Abril 28 sa OSMA.
Giit ng isang opisyal, dapat umanong kinuwestiyon ng CSF personnel na nagbabantay sa OSMA ang paglalabas sa sanggol ng nagpanggap na nurse lalo pa’t may tag ang sanggol sa kamay.
Matatandaang naging maluwag din ang pagbabantay ng ilang CSF personnel sa City College of Manila kung saan naipasok ng isang estudyante ang isang baril na ipinutok nito sa kanyang kasintahan noong Marso 5.