Pagpapagamot ni Andal Sr., inirekomenda ng BJMP
MANILA, Philippines - Nagpalabas ng rekomendasyon ang manggagamot ng Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) na matingnan si Maguindanao massacre suspect Andal Ampatuan, Sr., ng isang espesyalista sa Makati Medical Center (MMC).
Batay sa resulta ng pagpapakonsulta ni Andal, Sr., kina J/CInsp. Ma. Victoria E. Valeria, M.D., hepe ng Health Service Unit ng BJMP-NCR at C/Insp. Lorna Terencio, maikokonsiderang may osteoarthritis sa kaliwang bukung-bukong ang dating gobernador ng Maguindanao.
Ayon sa isinumiteng ulat ni Chief Insp. Glenford Q. Valdepenas, warden ng Quezon City Jail Annex, kay Quezon City Regional Trial Court (QC RTC) Branch 221 Presiding Judge Jocelyn Solis-Reyes, natignan ng BJMP physicians si Andal, Sr., umaga ng Miyerkules, Mayo 4, 2011.
Matatandaan na hiniling ng patriarko ng angkan ng mga Ampatuan na muli siyang mapayagang magpaospital dahil sa pamamaga ng kanyang kaliwang bokung-bokong.
Bagamat pinayagan siyang makapagpatingin sa espesyalista ng BJMP, hindi pa siya pinayagang makapagpa-confine muli sa pagamutan hangga’t walang resulta ang pagpapakonsulta niya sa espesyalista ng BJMP.
- Latest
- Trending