Obrero utas sa walong bala

Manila, Philippines - Walong bala ng 9mm na baril ang itinanim sa   katawan ng isang obrero ng riding-in-tandem sa isang bakanteng lote sa Marikina City kahapon ng umaga. Ang biktima ay nakilalang si Boblord Elazegui, 31, ng Bagong Silang St., Brgy. Nangka, ng nasabing lungsod.

Mabilis namang tumakas ang mga suspect matapos ang isinagawang krimen. Dakong alas-9:15 ng umaga ng maganap ang insidente sa Senegal St., Greenheight Subdivision ng nasabing lungsod.

Ayon sa report, nagpapahinga ang biktima kasama ang iba pang obrero sa lilim ng isang puno nang biglang sumulpot ang mga suspect sakay ng motorsiklo at walang sabi-sabing pinagbabaril ang biktima. Hinihinala ng pulisya na matinding galit ang motibo ng krimen dahil siniguro ng mga suspect na patay na ang biktima noong iwan nilang nakabulagta sa lupa.

Show comments