Drug dealer nakatakas o pinatakas?
MANILA, Philippines - Iniimbestigahan ngayon ng PNP-Anti-Illegal Drugs Special Operations Task Force (PNP-AIDSOTF) ang misteryo sa likod ng pagkakapuga ng isang nasakoteng notoryus na drug dealer sa kaniyang detention cell sa Camp Crame.
Sinabi ni PNP-AID-SOTF Deputy Commander P/Sr. Supt Edgar Layon na pakay ngayon ng malawakang manhunt operation para maibalik kaagad ito sa selda na si George Manlangit, 33.
Kahapon, inihayag ng opisyal na natuklasang nawawala na sa kaniyang selda si Manlangit na tumakas noong Lunes sa kustodya ng AIDSOTF Special Operations Unit na inaalam pa kung nakatakas o may nagpatakas.
Ayon kay Layon, ipinag-utos na ni PNP chief Director General Raul Casta–eda, PNP Deputy Chief of Operations at Task Force Commander ng AIDSOTF ang masusing imbestigasyon sa kasong ito.
Kabilang sa mga iniimbestigahan ay ang natakasang custodian na si PO3 Leonardo So at ang duty officer na si Sr. Inspector Harold Aglipay.
Sa inisyal na imbestigasyon, sinabi ng opisyal na nakatulog si So kaya nakatakas sa kulungan si Manlangit na hindi umano nakaposas.
Magugunita na si Manlangit ay nasakote ng AIDSOTF operatives kasama ang girlfriend nitong si Charie Durano sa buy-bust operations sa Pasay City noong Abril 26 ng taong ito kung saan nasamsam mula sa magkasintahan ang 40 gramo ng shabu na nagkakahalaga ng P220,000.00.
- Latest
- Trending


















