Showdown sa sayawan, nauwi sa saksakan
MANILA, Philippines - Arestado ang isang 16-anyos na dalagita matapos saksakin ang kapwa niya dalagita sa isang sayawan ng kapistahan sa Tondo, Maynila, kahapon ng madaling-araw.
Ginagamot sa Ospital ng Tondo ang biktimang itinago sa pangalang Luningning, 17, sanhi ng tinamong saksak sa balikat.
Nakatakda namang ilipat ng pulisya sa kustodiya ng Manila-DSWD ang dinakip na suspect na si Giselle.
Dakong alas-2:20 ng madaling-araw nang maganap ang insidente sa sayawan sa panulukan ng Limay at Hermosa Sts., Tondo.
Nabatid na sa gitna ng sayawan at inuman sa pagdiriwang ng pista sa nasabing lugar ay bigla na lamang nagkainitan ang suspect at biktima habang nagso-showdown sa pagsasayaw.
Napikon umano ang suspect, na lingid umano sa kaalaman ng biktima ay may bitbit na kutsilyo at sinaksak ito sa balikat at saka umalis sa kasayahan.
Sa isinagawang follow-up operation ay nadakip ang suspect na dahil sa menor-de-edad ay nakatakdang ilipat ang kustodiya sa DSWD.
- Latest
- Trending