Manila, Philippines - Papalamutian ng mga obra maestrang dibuho ng mga sikat na pintor ang mga pader at poste ng MRT sa may 28-kilometrong kahabaan ng EDSA bilang bahagi ng pagbibihis ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) sa Kamaynilaan.
Sinabi ni MMDA Chairman Francis Tolentino na inaasahan nila na magkakaroon ng kaginhawahan sa EDSA sa kabila ng mga usok ng mga sasakyan at naglalakihang commercial billboards. Maaari rin umanong makatulong ang mga paintings upang mapakalma ang mga motorista kapag naiipit sa mahabang pagbubuhol ng trapiko.
Ilulunsad ang proyekto sa Mayo 7, 2011 sa Barangay San Lorenzo, Makati City. Kasalukuyang dalawang paintings na ang ginagawa sa EDSA-Barangay San Lorenzo Village wall.
Gagamitin sa proyektong tinawag na “EDSA Project” ang mga “artworks” ng 10-Filipino artists na nakabase sa ibang bansa at dalawang Asyano. Kinilala ang mga ito na sina Jose Tence Ruiz, Neal Oshima, Asuncio Imperial, Damiene Anne, Virgilio Aviado, Alfredo at Isabel Aquilizan, at Singaporean Erika Tan at Finnish architect Tapio Snellman.
Bawat pintor ay lilikha ng walong “artworks” gamit ang isang uri ng pintura na nilalabanan ang polusyon sa hangin partikular ang “nitrogen oxide” sa pamamagitan ng sinag ng araw. May sukat ang bawat artwork ng 1,000 sq.m. at isa-isang lilikhain kada isa at kalahating buwan umpisa sa Mayo 7.
Aabot umano sa 8,000 sq.m. ang sasakupin ng naturang proyekto na sapat para labanan ang polusyong inilalabas ng nasa 80,000 sasakyan sa loob ng tatlo hanggang limang taon.