Rosel tugis sa Pilar Pilapil case

MANILA, Philippines - Nagpalabas na kahapon ang Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) Special Investigation Task Group (SITG) ng malawakang manhunt operation laban kay Rosel Jacosalem Peñas kaugnay ng kasong robbery at bigong pagpatay sa veteran actress na si Pilar Pilapil.

Sa isinagawang case conference kahapon sa Camp Crame sa kaso ng aktres, sinabi ni CIDG Director Chief Supt. Samuel Pagdilao Jr., suspect na ngayon sa kaso si Rosel na pinaghahanap ng kanilang mga operatiba.

Ayon sa opisyal, si Rosel ay naispatan ng kanilang mga testigo sa Sampaloc, Manila na nagmamaneho ng KIA van.

“Her failure to surface after the incident and the fictitious circumstances surrounding her personality have convinced authorities that she is a suspect and not a victim,” pahayag ni Pagdilao.

Samantala, pinalutang din umano ni Rosel ang anggulo ng ‘kidnap me’ matapos itong mag-text sa kanyang mister na si Nelson Peñas kamakailan hinggil sa paghingi umano ng P10-M ng mga kidnappers kapalit ng kalayaan nito.

Sinabi ni Pagdilao, sa ka­sa­lukuyan ay nakapokus na ang imbestigasyon sa aktuwal na naging partisipasyon ni Rosel at ng iba pang mga suspect upang masampahan ang mga ito ng kasong kriminal.

Si Rosel, kamag-anak ng live-in partner ni Pilapil na si Bert Peñas, ang sinasa­bing kasama ng aktres nang maganap ang insidente mula sa pag-carjack, paglimas sa kanyang mga kagamitan sa River Bank ng Marikina City noong gabi ng Abril 14.

Si Pilapil ay pinagsasaksak pa ng dalawang suspek at itinapon sa La Piedra Village, Brgy. San Luis, Antipolo City kung saan kasamang tina­ngay ng mga ito sa behikulo si Rosel.

Dahil sa pangyayari, sinabi ni Pagdilao na binigyan na nila ng security escort si Pilapil matapos itong lumabas sa The Medical City sa Pasig City nitong Biyernes Santo.

Show comments