MANILA, Philippines - Natimbog ng mga operatiba ng Quezon City Police District (QCPD) ang isang lalake na sangkot sa paggawa ng mga pekeng driver’s license matapos ang pagsalakay ng mga pulis kahapon.
Kasabay ng pagsalakay, nadakip din si Jose Buena, 29, may-asawa ng #22 Mapang-akit St. Brgy. Pinyahan, Quezon City bunsod ng impormasyong natanggap kaugnay sa iligal na transaksyon sa paggawa ng pekeng Philippine drivers license sa bisinidad ng Land Transportation Office sa lungsod.
Dito ay naaktuhan ng pulisya ang suspect na hawak ang ilang piraso ng driver’s license na may pangalan ng iba’t ibang kliyente nito at ilan pang piraso ng official receipt at certificate of registration (OR/CR).
Nagtangka pang tumakas ang suspect pero matapos ang maikling habulan ay naaresto din ito at dinala sa nasabing himpilan.
Narekober din sa bahay ng suspect ang ilang paraphernalia tulad ng isang set ng computer na may printer at scanner, laminating machine, blangkong LTO official receipts, blankong plastic card na ginagamit para sa drivers license, LTO hologram plastic gamit para sa printing at produksyon ng counterfeit drivers license.
Si Buena ay nahaharap ngayon sa kasong paglabag sa City Ordinance No. SP-1656, S-2005 na nagba-ban sa mga fixers sa mga opisina ng pamahalaan at Falsification of Public Documents sa sala ng City Prosecutor office.