Bangkay ng babae sa Marikina River isinailalim sa forensic examination

MANILA, Philippines - Isinailalim na sa forensic examination sa  PNP Crime Laboratory ang  nagsisimula ng maagnas na bangkay ng isang babaeng narekober sa Tumana River sa Marikina City sa posibilidad na ito ang babaeng kasama ng veteran actress na si Pilar Pilapil noong Abril 14 ng gabi nang pag­sasaksakin ng mga hindi pa nakikilalang mga suspect.

Ayon kay PNP-CIDG Director C/ Supt. Samuel Pagdilao, nag­sasagawa na sila ng finger print analysis sa narekober na bangkay upang alamin kung ito ang nawawalang kasamahan ni Pilapil na si Rosel Jacosalem Penas.

Sa kasalukuyan, ayon kay Pag­dilao ay puspusan ang isina­sagawang pagtugis ng binuong Special In­vestigating Task Group (SITG) Pilapil laban sa notoryus na grupo ng isang sindikatong kri­minal na ang isa sa mga miyembro ay tumugma sa inilarawan ni Pilapil na siyang nasa likod ng  insidente.

Kasabay nito, ipinalabas na kahapon ng CIDG ang larawan ni Penas upang mapabilis ang paghahanap dito at mabigyang linaw ang kaso.

Samantala itinanggi naman ng isang kilalang kompanya na konektado sa kanila si Penas at pag-aari nila ang sasakyang ginamit nang mangyari ang insidente. Ayon kay Pagdilao, wala umanong kulay Gold KIA carnival ang kompanya.

Magugunita na sina Pilapil at Penas ay tinutukan ng patalim ng dalawang lalaki sa Riverbank ng Marikina City noong gabi ng Abril 14 kung saan kinomander ang behikulo sa Antipolo City at dito’y duguang humingi ng tulong ang aktres sa mga residente ma­tapos na pagsasaksakin at itapon ng mga suspect sa lugar.

Nakipagkoordinasyon na rin ang SITG sa Bureau of Immigration and Deportation at Department of Foreign Affairs para suriin ang travel record at passport data ni Penas na ayon sa veteran actress ay dumating sa bansa noong Abril 13 ng taong ito.

Show comments