MANILA, Philippines - Kung isa ka sa mga kaskasero na bumibiyahe
sa Commonwealth Avenue, maaaring nakapaskil na ang larawan mo at ng sasakyan sa website ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA).Ito’y matapos na ikabit ng MMDA sa kanilang website na www.mmda.gov.ph ang mga larawan ng mga sasakyan na nakunan nila ng larawan na tumatakbo ng higit sa ipinatutupad na 60 kph sa kahabaan ng Commonwealth Ave. sa Quezon City.
Layon umano nito na tablan ng kahihiyan ang mga motoristang kaskasero. Bukod sa larawan ng sasakyan, pampubliko man o pribado, nakalagay rin ang bilis ng itinakbo nito at oras ng bayolasyon.
Napadalhan na umano ng “traffic violation receipts (TVR)” ang mga may-ari ng naturang mga sasakyan na kailangang bayaran agad ng mga ito ang multa upang payagang makapagreshistro.
Sinabi ni MMDA Chairman Francis Tolentino na higit na sa 7,000 motorista ang kanilang nahuhuli sa camera na lumalabag sa “speed limit” na nagresulta na sa pagbaba umano ng aksidenteng nagaganap sa tinaguriang “killer highway” ng Metro Manila.
Bukod sa Commonwealth Ave., may plano rin ang MMDA na ipatupad ang speed limit sa iba pang kalsada sa Metro Manila kabilang ang Roxas Boulevard sa Maynila at Pasay City at Osmena Highway sa Makati City.