Manila, Philippines - Pinayuhan ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ang publiko lalo na ang mga motorista na maaaring humingi ng saklolo sa kanilang Facebook at Twitter accounts kung magkakaroon ng problema sa kalsada ngayong Semana Santa.
Sinabi ni MMDA Chairman Francis Tolentino na nakaantabay ang kanilang mga “social network operators” ng 24/7 sa buong Holy Week upang tumanggap ng mga reklamo, sumbong, paghingi ng saklolo at handa silang agad na tugunan ito.
Maaari ring makatawag at makausap ng tauhan ng MMDA ang publiko sa pamamagitan ng pagtawag sa kanilang Metrobase Hotline 136. Maaari ring makahingi ng traffic updates at paghingi ng saklolo.
Ilan sa inaasahan ng MMDA ang maaaring pagkakaroon ng biglaang sira ng mga sasakyan, aksidente sa kalsada at gusot sa trapiko na kanilang aaksyunan.
Umaabot sa higit 1,000 traffic enforcers ang nakaalerto sa mga kritikal na kalsada at terminals mula Holy Monday (Abril 18) hanggang Abril 20 kung saan inaasahan ang pagdagsa ng mga motorista na lalabas ng Metro Manila. Muli namang iistasyon ang mga ito sa bisinidad ng mga simbahan mula Maunday Thursday at Good Friday.
Magtatatag din naman ang Skyway Corp. ng 24-oras na command posts sa Nichols at C-5 Road mula ngayong darating na Sabado upang umalalay at rumesponde sa mga problema ng mga motorista.