Big 3 sinugod ng PISTON

MANILA, Philippines - Sinugod ng mga militanteng grupong Pinagkaisang Samahan ng mga Tsuper at Operators Nationwide (PISTON) ang tanggapan ng Big 3 oil companies makaraan ang panibagong pagtataas sa presyo ng petrolyo kahapon.

Dakong alas-6 ng umaga nang magtaas ang Pilipinas Shell, Chevron Phils., Flying V at Total ng P1.50 kada litro sa presyo ng premium, unleaded na gasoline at diesel; P1.25 kada litro ng regular na gasoline at P1.40 kada litro sa kerosene.

Tulad ng inaasahan, sumunod dito ang Petron Corporation, at iba pang independent oil companies na sa kabila ng sinasabing walang kartel sa presyo ng langis ay sabay-sabay at magkakapareho ang presyo ng pagpapatupad ng price increase.

Dakong alas-10 ng umaga nang lusubin ng PISTON sa pangunguna ni George San Mateo ang mga gusali ng Shell, Petron at Chevron na pawang nasa Makati City. Sinabi nito na isinasangkalan na lamang nina Bobby Kanapi at iba pang tagapagsalita ng mga kompanya ng langis ang patuloy na gusot sa Gitnang Silangan upang makapagsamantala at kumita ng multi-milyon sa mga naghihirap na motorista.

Show comments