MANILA, Philippines - Lalong pinag-init ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ang usapin sa paghihigpit sa “billboards” makaraang ipanukala ang posibilidad na pagba-ban sa mga higanteng billboards sa kahabaan ng EDSA.
Ayon kay MMDA Chairman Francis Tolentino, maaaring magtakda na lamang ng eksaktong sukat ng billboards na maaaring ilagay sa kahabaan ng EDSA na hindi magiging panganib sa publiko lalo na kapag may kalamidad.
Ito’y sa kabila ng iginigiit ng mga miyembro ng Outdoor Advertising Association of the Philippines na tumatalima sila sa isinasaad na panuntunan ng Department of Public Works and Highways (DPWH) at Building Officials ng mga lokal na pamahalaan kaugnay sa paglalagay ng mga billboards.
Ngunit sinabi ni Tolentino na maraming pamamaraan ang puwedeng ikonsidera ng mga advertisers upang ipakilala ang kanilang mga produkto ng hindi kinakailangang mailagay sa panganib ang buhay at ari-arian.
Nakatakdang isumite ng mga outdoor advertisers ang kanilang posisyon sa naturang panukala makaraan ang ginawang pagpupulong sa pagitan ng mga opisyal ng MMDA at mga advertisers noong Abril 6.
Magugunita na nauna ng pinabaklas ng Simbahang Katoliko ang pinakamalaking billboards sa panulukan ng EDSA Guadalupe sa Makati City kung saan nakatirik ito sa lupang pag-aari ng Our Lady of Guadalupe Seminary.