MANILA, Philippines - Nakaratay sa ospital ang isang miyembro ng Manila Police nang mabundol at takasan ng hindi naplakahang sasakyan, kahapon ng madaling-araw sa Nagtahan Bridge, Pandacan, Maynila. Nakilala ang pulis na si SPO3 Henry Ignacio na nagtamo ng pinsala sa ulo at pasa sa katawan.
Nabatid na papauwi ng bahay si Ignacio buhat sa pagdu-duty lulan ng kanyang motorsiklo ng salpukin sa likuran ng hindi naplakahang sasakyan dakong alas-12:30 ng madaling-araw.
Nabatid na sumemplang ito at tumalsik ang suot na helmet kaya nabagok ang ulo sa sementadong kalye. Mabilis umanong sumaklolo ang di nakilalang taxi driver at dinala siya sa pagamutan.
Mabilis naman umanong humarurot papatakas ang nakabangga nang makitang humandusay ang biktima.