Magkaibigan niratrat: 2 patay, 1 sugatan

MANILA, Philippines - Dalawa ang nasawi, habang sugatan naman ang isa pa nilang kaibigan nang pagbabarilin ng hindi pa kilalang mga suspek habang nagkukuwentuhan kamakalawa ng gabi sa Caloocan City.

Dead-on-arrival sa Dr. Jose Rodriguez Hospital ang mga biktimang sina Romnick Romero, 21; at Normalito Avaita, 21, kapwa residente ng Miramonte Heights, Brgy. 180 ng na­sabing lungsod, nagtamo ang mga ito ng ilang tama ng bala sa katawan buhat sa hindi pa batid na kalibre ng baril.

Nilalapatan naman ng lunas sa V. Luna Hospital ang kanilang kaibigang si Roger Gabay.

Nagsasagawa pa ng follow-up operation ang mga kagawad ng Caloocan City Police laban sa hindi pa nakikilalang mga suspek.

Sa inisyal na ulat, naganap ang insidente dakong alas-7 ng gabi sa Miramonte Heights, Brgy. 180 ng nabanggit na siyudad habang nagkukuwentuhan ang tatlong biktima nang bigla na lamang dumating ang dalawang suspek na armado ng baril.

Walang sabi-sabing pi­nag­babaril ng mga suspek ang nabiglang mga biktima at nang matiyak ng mga salarin na napuruhan nila ang mga target ay mabilis na nagsi­takas ang mga ito. Hindi pa malinaw ang mo­tibo sa isinagawang pa­mamaril.

Show comments