MANILA, Philippines - Dugtong-buhay
mula sa pamahalaan ng Korea ang ipagkakaloob sa anim na batang may congenital heart disease na mula sa pinakamahihirap na pamilya sa Maynila.Sa pakikipag-ugnayan ni Manila Mayor Alfredo S. Lim, sinagot ng Incheon Metropolitan Hospital at Gachon University Gil Hospital at bibiyahe sa Korea para sa cardiac surgeries ang anim na bata.
Kinumpirma ito ni Baby Villegas, ang international protocol relations officer ni Lim, na nagsabing ang mga pasyente ang napili mula sa mga batang kandidato sa nasabing sakit.
“Each of them will be accompanied by a parent and one pediatric cardiology doctor and all expenses will be shouldered by the Korean government in cooperation with Mayor Lim, including accommodations, meals and medicines,” ani Villegas.
Sinabi ni Villegas na ang Incheon ay ‘sister-city’ ng Maynila na nagbibigay ng patuloy na suporta sa mga residente ng Maynila.
Nabatid na ang 4 ay pawang pasyente ng Jose Abad Santos Mother and Child Hospital at dalawa dito ang magmumula sa Sta. Ana Hospital at Ospital ng Sampaloc.
Lima sa anim na magbebenepisyo sina Manuel Estacio, 4; Fatima Cua, 2; Ma. Olive Plaza, 1; Kean Red Salaysay, 8 buwang gulang at Hanah Tanchongco, 3 buwang gulang.