MANILA, Philippines - Tiwala ang Philippine National Police (PNP) na hindi na magtatagal at malulutas na ang kaso at mabibigyan ng hustisya ang pagpatay kay DZME lady anchor Marlena “Len” Flores Sumera na pinagbabaril sa Malabon City noong Marso 24.
Ayon kay PNP Chief Director General Raul Bacalzo, may mga tinututukan na silang mga pangalan ng mga suspect at may ilan na ring mga testigo ang mga imbestigador upang malutas sa lalong madaling panahon ang krimen.
Sinabi naman ni Bacalzo na ang alitan sa lupa ang lumilitaw na pangunahing motibo sa krimen taliwas sa unang lumutang na robbery/hold-up ang sanhi ng pagpatay kay Sumera.
Idinagdag pa nito, bagaman miyembro ng media si Sumera ay mas higit na lumalakas ang anggulo ng pagiging Presidente nito ng Homeowners Association sa kanilang lugar sa Malabon City, ang motibo ng krimen.
Si Sumera ay siyang overall President sa Silonian, Sitio Rosal, Interior Tongco at Saloma Neighborhood Association na may kabuuang lupaing 4.2 hektarya sa Malabon City.