MANILA, Philippines - Dalawa ang bahagyang nasugatan makaraang magkaroon ng “stampede” sa loob ng isang bagon ng Light Rail Transit (LRT) nang umusok ang hulihang bahagi nito, kahapon ng umaga sa lungsod ng Maynila.
Pansamantalang binigyan ng paunang lunas sa “medical clinic” ng LRTA ang mga biktimang inisyal na kinilalang sina Caroline Santos at Jennylyn Hagmit, na nagtamo ng mga sugat nang sumabit ang katawan sa binasag na salamin ng tren.
Sa pahayag ni Hernando Cabrera, tagapagsalita ng LRTA, nagkaroon ng problemang teknikal ang “disc brake system” sa hulihang bagon ng kanilang tren dakong alas-8:35 kahapon ng umaga sa may United Nations Avenue station.
Nabatid na galing sa Central Terminal ang tren at patungong Baclaran, Pasay City nang umusok ang hulihang bagon at makaamoy ng mabaho ang mga pasahero. Nagkagulo ang mga natakot na pasahero na nag-unahan sa paglabas ng tren. Ilan umano sa mga pinto ay hindi agad nagbukas kaya binasag ng ilang pasahero ang salaming bintana at dito dumaan.
Dahil sa pagtutulakan, nasugatan ang dalawang biktima habang ilan pang mga babae, bata at maging mga matatanda ang nasaktan. Tiniyak naman ni Cabrera na sasagutin ng LRTA ang gastusing medical ng mga biktima habang isinasailalim na sa imbestigasyon ang sanhi ng naturang problemang teknikal.