Pagiging 'notorious market' ng Quiapo, insulto - Manila dads
MANILA, Philippines - Malaking insulto umano ang lumabas na U.S. report na binabansagang ‘notorious market’ ang Quiapo bunsod ng mga nagkalat na pekeng bilihin at maging ng piniratang DVD.
Ayon kina Manila 3rd District Councilors Atty. Joel Chua at Re Fugoso at sumasakop na distrito sa Quiapo, insulto ito sa kakayahan ng mga government officials at mga konsehal.
Sinabi nina Chua at Fugoso na hindi tamang akusahan ng pagiging talamak na pamilihan ng mga peke at piracy ang Quiapo dahil hindi lamang ang lugar ng Quiapo ang sinisira nito kundi ang buong Maynila.
Nabatid kay Chua na nakakalungkot na ang isa sa mga landmark sa Maynila ay mabansagan ng masama samantalang kumikilos naman ang pamahalaan upang matigil ang mga iligal.
Aniya, dapat din nilang malaman kung ano ang pinagbatayan ng U.S. report upang magpalabas ng report na nakasisira sa imahe ng lungsod.
Giit naman ni Fugoso, regular naman ang kautusan ni Manila Mayor Alfredo Lim sa Manila Police District na gawin ang lahat ng posibleng paraan upang matukoy ang pagawaan ng mga pekeng kalakal at mga nagma-manufacture ng mga DVD at CD.
Kasabay nito, sinabi Manila Vice Mayor Isko Moreno na kailangan din ang tulong ng Optical Media Board (OMB) na may direktang responsibilidad upang masawata ang piracy at Department of Trade and Industry (DTI) at mga pulis upang matigil na ang bentahan ng mga pekeng gamit tulad ng bag, damit at maging ang ‘cytotec’ o abortion pills.
Kadalasan umanong nagiging ningas-kogon at pakitang tao lamang ang operasyon laban sa piracy at sa bentahan ng mga pekeng bag, damit at sapatos kung kaya’t patuloy pa rin ang ilang vendor sa pagtitinda.
Napag-alaman naman kay MPD Station 3 commander, Supt. James Afalla, walang direktang memorandum para sa kanila na maaaring magsagawa ng operasyon anumang oras upang madakip ang mga namimirata ng mga DVD gayundin ang pagsalakay sa bodega ng mga negosyante, hindi tulad ng NBI na anumang oras ay maaaring magsagawa ng raid.
Naniniwala si Afalla na kung magkakaroon ng memorandum mula sa OMB na deputize ang mga ito na sumalakay, mas magiging madali sa kanila ito hanggang sa tuluyang matapos ang piracy at counterfeiting sa Quiapo.
- Latest
- Trending