MANILA, Philippines - Kulong ng anim na buwan at multa ang parusang naghihintay sa sinumang may-ari ng gusali at mga paaralan sa lungsod ng Maynila na hindi magsasagawa ng fire at earthquake drill.
Ito ay batay sa Ordinance No. 7753 na pinagtibay ng konseho ng Maynila noong Hulyo 26, 1991, na nag-aatas sa mga may-ari, managers at administrator ng mga matataas na gusali na magsagawa ng earthquake at fire drill dalawang beses sa loob ng isang taon.
Nabatid na ngayong Marso ay dapat na magsagawa ng fire at earthquake drill ang mga may-ari at administrator ng gusali upang magkaroon ng impormasyon at kamulatan ang mga empleyado, tenants at paaralan sakaling dumating ang kalamidad.
Nakasaad sa ordinansa na dapat lamang na isagawa ang fire at earthquake drill dahil kaligtasan ng bawat mamamayan ang nakasalalay dito.
Ayon naman kay City Building Official Engr. Melvin Balagot, tama lamang na isagawa ang mga drill sa bansa lalo pa’t dinanas ng isang maunlad na bansang tulad ng Japan ang lindol at tsunami.
Mas makatutulong umano ang paghahanda sa anumang kalamidad.