MANILA, Philippines - Limang empleyado ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ang nakakulong ngayon makaraan nilang takbuhan o takasan ang isang naka-motorsiklong delivery boy na kanilang nabangga noong Linggo ng hapon sa Mandaluyong City.
Ang lima ay nakilalang sina Orlando Quirabu, 37; Manuel Patricia, 39; Jaime Vergara, 50; Jaime Eugia, 47; at Ramiel Alegre, 42, pawang nakatalaga sa Metropolitan Social Service Office (MMSO) ng MMDA.
Ayon sa ulat, ang lima ay sakay ng MMDA service van patungo ng Correctional Road sa Brgy. Mauway noong Linggo ng alas-3 ng hapon nang mabangga nila ang nakamotorsiklong delivery boy na si Telesforo Mangundayao, 31.
Kahit nakita umano ng lima na nawasak ang motor at sugatan na bumagsak sa semento si Mangundayao ay hindi man lamang tumigil ang mga ito para saklolohan at dalhin sa pagamutan ang biktima.
Agad namang nagresponde si SPO3 Danilo Quintana, hepe ng police precinct sa Brgy. Mauway para imbestigahan ang pagyayari.
Sa halip na akuin ng mga suspek ang kanilang kasalanan ay sila pa umano ang nagalit kaya nagkaroon ng mainitang pagtatalo hanggang batukan pa sa ulo si SPO3 Quintana kaya tuluyang inaresto ang lima.
Sa himpilan ng pulisya ay nabatid na pawang mga lasing ang mga suspek na ngayon ay nahaharap na sa kasong reckless imprudence resulting in physical injury, resistance at disobedience.