MANILA, Philippines - Tinatayang aabot sa 8,000 bata na nasa edad lima pababa ang nabigyan ng oral inoculation panlaban sa polio ng Bureau of Jail Management and Penology bilang pagtalima sa programa ng Department of Health (DOH) sa lungsod Quezon. Ayon kay BJMP director Rosendo Dial, layunin ng programa na masugpo ang kaso ng mga batang nagkakasakit ng polio sa pamamagitan ng programang supplemental polio immunization. Ginawa ang naturang programa sa Brgy. Tatalon sa lungsod Quezon.
Bukod sa BJMP, katuwang din ng DOH ang Rotary International District 3780 sa lungsod. Ayon kay Dial, hindi lamang sa kulungan nakatuon ang pansin ng kanilang kagawaran kundi sa iba pang lugar na kailangan ang kanilang suporta para sa ikauunlad ng isang lugar. Ayon sa DoH simula ng taong 2000 ay walang naitalang kaso ng Polio sa bansa kaya ang polio immunization drive ang patuloy na kailangan para maiwasan ang pagbabalik ng naturang sakit.