Vendor dedo sa pamamaril

MANILA, Philippines - Sabog ang ulo ng isang vendor makaraang barilin ng hindi nakikilalang salarin habang nagbabantay ng kanyang tinda sa lungsod Quezon kamakalawa.

Kinilala ang biktima na si Robinson Campos Jr., 28, binata ng 0929 Kaunlaran St., Brgy. Commonwealth sa lungsod.

Sa ulat ng Criminal Investigation and Detection unit ng Quezon City Police, nangyari ang insidente sa may harap ng N. Dental clinic and Laboratory sa may # 250 IBP Road, Brgy. Commonwealth pasado alas-10 ng gabi.

Ayon kay Emilia Bayba­yan, live-in partner ng biktima, kasalukuyan silang nagbabantay ng paninda ng biktima nang biglang umalingawngaw ang putok ng baril mula sa kanilang likuran.

Nang lingunin niya ang kinakasama ay nakalugmok na ito at naliligo sa sarili niyang dugo. Agad na humingi ng tulong si Baybayan sa ilang kaibigan at itinakbo ang biktima sa East Avenue Medical center ngunit idineklara din itong patay.

Patuloy naman ang pagsisiyasat ng CIDU upang matukoy ang naturang salarin.

Show comments